Parang dati lang, ‘di natin maiisip na magkakaroon pa ng mas malaking battery capacity kaysa sa 5,000 mAh pero heto tayo ngayon sa mga smartphone na may battery na 6,000, 7,000, o minsan pa nga’y 8,000 mAh.

Sa article na “Everyone’s Making Thin Phones… But Do We Even Want Them?” nabanggit ko na ang 2025 ay taon ng mga “thin and light,” pero taon din ito ng mga naglalakihang battery na nagsimula sa unang HONOR Power.

Bagamat China-exclusive, nagkaroon ito ng malawakang epekto sa tech community. Ipinakita nito na posible pa lang maabot ang ganitong klase ng battery sa isang smartphone.
DCS: Xiaomi, Maglalabas ng Smartphone na may 9,000 mAh
Ngayon, nakatingin ang lahat sa darating na taon, at mukhang hindi lang si HONOR ang pangalang mamamayagpag pagdating sa makunat na battery life, nariyan din si Xiaomi.
Ayon sa kilalang leaker na si Digital Chat Station (DCS), mukhang may nilulutong malaki ang Chinese smartphone maker. Malaki pagdating sa battery capacity dahil balak umanong maglagay ni Xiaomi ng 9,000 mAh na may 100W flash charging sa kanilang darating na smartphone.

Maliban doon, mayroon ding nilulutong 10,000 mAh prototype ang Xiaomi na maaring lumebel sa napabalitang HONOR Power 2 na may 10,000 mAh battery.
Wala pang masyadong balita ukol sa nasabing smartphone maliban sa ito’y ipinagpapalagay ng iba na parte ng paparating na REDMI Turbo 5. Subalit, taliwas ito sa mga napaunang balita na mayroon lamang itong 7,500 mAh battery.

Magiging Available rin kaya sa Pinas?
Kung totoo man, malaki ang posibilidad na tulad ng HONOR Power, ay maging China-exclusive rin ang nasabing smartphone at magkaroon lamang ng pinaliit na battery ang bersyon na ipapadala sa ibang lugar sa mundo.
Kung ngayon pa lang na ang mga 6,500 hanggang 7,500 mAh battery ay tumatagal na nang 1 buong araw, paano pa kaya kung 9,000 to 10,000 mAh? Baka tumatagal na ito nang 2-3 araw o baka 1 linggo pa kung light use lang naman.
Confirmed: HONOR Power 2 Parating Na!
Hindi tulad ng darating na smartphone ng Xiaomi, sigurado na ang darating na HONOR Power 2. Aprubado na para ibenta sa China ang nasabing smartphone at ayon sa listing nito, mayroon itong battery capacity na 9,886 mAh. Pero syempre i-popromote ito bilang 10,000 mAh.

Pagdating naman sa specs, mayroon itong 6.79-inch LTPS OLED display na may 1.5K resolution na siyang pinapatakbo ng MediaTek Dimensity 8500. Tinatayang darating ito sa unang parte ng 2026. Subalit, katulad ng naunang HONOR Power, mukhang magiging China-exclusive pa rin ang Power 2.
Pero malay natin ‘di ba? Baka magkaroon din tayo ng bersyon na may ganoong kalaking battery. Kaya’t antay-antay lang…